Upang mapataas ang kalidad ng palay at bigyan ng halaga ang tamang pamamahala ng pataba at peste sa palayan, sinanay ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang 32 na magsasaka mula sa Polillo, Quezon ukol sa makabagong teknolohiya ng integrated nutrient and pest management sa pagpapalay.
Katuwang ang DA-Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños, DA CALABARZON, Regional Crop Protection Center (RCPC) IV-A, at Regulatory Division, ginanap ang “Building Stronger Rice Communities: Advancing Knowledge in Integrated Nutrient and Pest Management” sa Brgy. Poblacion, Polillo, Quezon mula Pebrero 24-26, taong kasalukuyan.
Aktuwal na nasaksihan ng mga kalahok ang paggamit ng iba’t ibang diagnostic tools ng integrated nutrient and pest management, gaya ng MOET at Leaf Color Chart (LCC). Inilahad din ang kahalagahan ng tamang pagkilala sa mga sakit at peste ng palay, maging sa mga kaibigang insekto sa sakahan.
“Tunay pong malaking tulong na natutunan namin ang mga kalaban at kakampi na insekto sa palayan at kung paano ang tamang pamamahala sa kanila. Malaking dagdag din sa aming kaalaman ang paggamit ng LCC at MOET kaya lubos ang aming pasasalamat sa mga naging tagapagsanay,” pagbabahagi ni Myla Gonzales, kalahok na magsasaka.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, naghatid ng mensahe ng pagsuporta sina Polillo Vice Mayor Ginalyn Flores at Dr. Michelle Quimbo, Supervising Science Research Specialist ng DA-PhilRice Los Baños.
Nagbigay naman ng pangwakas na mensahe ang Center Director ng DA-ATI CALABARZON, Dr. Rolando Maningas. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng ganitong uri ng pagsasanay upang matulungan ang mga magsasaka sa rehiyon na mapabuti ang kanilang kabuhayan sa kabila ng mga hamon sa makabagong pagsasaka.
Ulat ni: Archie C. Linsasagin (Information Officer II / ISS)
