Napagtibay ang kaalaman ng mga benepisyaryo ng LOVE (Livelihood Opportunities and Viable Enterprise) Project sa iba’t ibang bayan sa CALABARZON sa pamamagitan ng limang pangkat ng Seminar on Chicken Layer Management in Support to Livelihood Opportunities and Viable Enterprise (LOVE) Project (Batch 5), na isinagawa mula Hulyo hanggang Agosto 2026.
Layunin ng seminar na mailatag ang mga batayang kaalaman at kasanayan sa wastong pamamahala ng layer chicken bilang paghahanda sa implementasyon ng LOVE Project. Sa pamamagitan nito, inaasahang mapalalakas ang kakayahan ng mga kalahok sa pagpapatakbo ng poultry enterprise, mapalalawak ang oportunidad sa kabuhayan, at makapag-aambag sa seguridad sa pagkain sa rehiyon.
Sa pakikipagtulungan sa mga Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, isinagawa ang serye ng seminar sa Trece Martires City, Cavite noong Hulyo 28; Famy, Laguna noong Hulyo 29; San Nicolas, Batangas noong Hulyo 30; San Andres at Plaridel, Quezon noong Agosto 4-5; at Jala-jala, Rizal noong Agosto 27.
Sa kabuuan, mahigit 120 benepisyaryo ng LOVE Project at mga kasapi nila sa samahan ang nakinabang mula sa seminar.
Nagpaabot naman ng mensahe si Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, para sa mga kalahok. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging handa ng mga benepisyaryo sa pagpapatupad ng LOVE Project, at hinikayat silang gamitin ang mga kaalamang kanilang matututuhan upang makapagtatag ng isang produktibo at sustenableng layer chicken enterprise na makatutulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, patuloy na pinalalakas ng DA-ATI CALABARZON ang kakayahan ng mga magsasaka sa rehiyon bilang paghahanda sa pagpapatupad ng LOVE Project—tungo sa mas masaganang industriya ng poultry sa CALABARZON.
Ulat ni: Eloisa A. Mariano
