TINATAYANG mahigit 15,000 Caviteño mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan ang nagtipon sa Aguinaldo Shrine sa bayan ng Kawit ngayon Linggo ng hapon ( Pebrero 8 ) upang makiisa sa isinagawang Ecumenical Prayer Rally para kay dating Senador Ramon Bong Revilla, Jr.
Isinagawa ang pagtitipon sa gitna ng patuloy na pagharap ni Revilla sa mga kasong inihain laban sa kanya, habang siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon City Jail Male Dormitory.
Napuno ng mga tagasuporta ang makasaysayang lugar, bitbit ang panawagan para sa makatarungan at patas na proseso ng hustisya. Ayon sa ilang matagal nang tagasuporta ng senador, naniniwala silang ang mga akusasyon laban sa kanya ay bunga lamang ng pulitika at siya ay biktima ng panggigipit.
Bandang alas-singko ng hapon nagsimula ang ecumenical gathering na pinangunahan ng mga kinatawan mula sa Simbahang Katolika, iba’t ibang Kristiyano at Protestanteng denominasyon, mga kapatid na Muslim, at iba pang religious groups. Ipinakita ng pagtitipon ang pagkakaisa ng iba’t ibang pananampalataya sa iisang layunin—ang ipanalangin ang kapayapaan ng bansa at ang pananaig ng katotohanan.
Dinaluhan din ang rally ng iba’t ibang civic groups at people’s organizations mula sa mga bayan at lungsod ng Cavite na nagpahayag ng paniniwalang dapat manaig ang batas nang walang kinikilingan.
“Nandito kami para manalangin. Ang hinihingi lang namin ay due process—ang pagkakataong marinig ang buong katotohanan,” pahayag ng isang tagasuporta mula sa Bacoor sa isang ambush interview.
“Bilang mga Caviteño, kilala namin ang pagkatao at serbisyo ni Senador Bong Revilla. Mula pa noong siya ay naging gobernador at bise-gobernador, alam naming hindi niya magagawa ang mga ibinibintang sa kanya. Naniniwala kami na sa tamang panahon, lalabas ang katotohanan,” ayon naman sa isang miyembro ng people’s organization mula sa Imus.
Iginiit ng ilang dumalo na ang pagtitipon ay hindi kilos-protesta kundi isang taimtim na panawagan ng konsensya.
“Mas pinili naming manalangin kaysa sumigaw. Sa gitna ng ingay at intriga, pananampalataya ang aming sandigan,” ani ng isang lider-relihiyoso na nakiisa sa okasyon.
Sa pagtatapos ng pagtitipon, nagpaabot ng pasasalamat si Congresswoman Lani Mercado-Revilla, maybahay ni dating Senador Bong Revilla, Jr., sa libo-libong Caviteñong patuloy na sumusuporta at nananalangin para sa kanilang pamilya.
“Maraming salamat po sa inyong lahat na patuloy na naniniwala, nagdarasal, at naninindigan para sa katotohanan. Ang inyong presensya at panalangin ang nagbibigay ng lakas sa aming pamilya sa panahong ito ng pagsubok,” pahayag ni Congresswoman Mercado-Revilla.
“Buong tiwala kami na makakamtan muli ang hustisya para kay Bong. Sa tulong ng Diyos at sa tamang proseso ng batas, ang katotohanan ay lalabas at mananaig,” dagdag pa niya.
Nagtapos ang Ecumenical Prayer Rally sa isang sama-samang panalangin para sa kapayapaan ng bansa, katatagan ng mga institusyon, at pananaig ng katarungan—isang tahimik ngunit matibay na mensahe ng pagkakaisa ng mga Caviteño sa gitna ng pagsubok at hamon ng panahon.
