TANZA, Cavite — Isang makabuluhang mensahe ng lakas at inspirasyon ang ibinahagi ng isang babaeng hukom sa mga sundalong kababaihan ng militar sa ginanap na flag raising ceremony ng Reserve Command, Philippine Army noong Marso 16 sa Camp Riego de Dios.
Pinangunahan ng mga babaeng opisyal ang seremonya bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month. Nanguna sa mga ito si Major Liezl T. Binasoy, commanding officer ng Headquarters and Headquarters Service Company.
Tampok sa programa ang talumpati ni Flordeliz Cabanlit Fargas, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 5 Family Court, na isa ring commissioned reservist officer ng Judge Advocate General Service ng AFP Reserve Command.
Sa kanyang mensahe, iginiit ni Fargas na ang kababaihan ay hindi dapat ituring na pag-aari kundi katuwang sa pagbuo ng isang matatag na bansa. Ayon sa kanya, malaki ang papel ng kababaihan sa pag-unlad ng lipunan at sa paglilingkod sa bayan.
Ibinahagi rin ng hukom ang kanyang inspiradong paglalakbay sa akademya at propesyon—mula sa pagtatapos bilang magna cum laude sa Political Science sa Silliman University noong 1988 hanggang sa makapagtapos ng abogasya sa San Beda College noong 1992 at makapasa sa Philippine Bar Examination.
Hindi lamang sa bansa kinilala ang kanyang kakayahan. Napili rin si Fargas bilang kinatawan ng Pilipinas sa Rising Leaders Cohort ng International Association of Women Judges sa kanilang ika-16 na biennial conference sa Marrakesh, Morocco.
Naging kinatawan din siya ng Asia-Pacific sa Program and Education Committee para sa ika-17 biennial conference ng nasabing organisasyon na ginanap sa Cape Town, South Africa noong 2024.
Samantala, nagpasalamat naman ang pamunuan ng Reserve Command, Philippine Army sa pagdalo ng hukom at hinikayat ang mga babaeng sundalo na ipagpatuloy ang pagpapakita ng liderato, husay, at dedikasyon sa paglilingkod para sa bayan.
