Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda, sama-samang isinapuso ng mahigit 100 kalahok mula sa Brgy. Langkaan I, Dasmariñas City, Cavite, ang diwa ng pagiging “RICEponsible” matapos ang kanilang aktibong pakikibahagi sa ikalawang pangkat ng Rice Information Campaign: Masaganang Palayan sa pamamagitan ng Tamang Kaalaman ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON.
Mas ipinaunawa sa mga kalahok ang simpleng pamamaraan upang maiangat ang industriya ng pagpapalay, maisulong ang wastong nutrisyon, at makaambag sa seguridad sa pagkain, sa pamamagitan ng pagtalakay sa ABKD ng Be RICEponsible at mga masustansyang pananim na madaling anihin at mainam na ipares sa kanin.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sa nasabing mga paksa ang mga kawani ng DA-ATI CALABARZON na sina Bb. Janine Cailo, RAgr, Chief ng Information Services Section; at Bb. Cristine Jan Beler, RAgr, Technical Support Staff II.
Bilang bahagi ng programa, namahagi ng red rice ang ahensya sa mga kalahok at hinikayat din silang makilahok sa iba’t ibang programa ng DA-ATI upang mas mapalakas ang kanilang kaalaman at kasanayan sa pagsasaka.
Sa kanyang pambungad na pananalita, mainit na tinanggap ni Bb. Jennifer Ibayan, RAgr, City Agriculturist, ang aktibidad at binigyang-diin na bagama’t lumiliit ang sukat ng palayan sa lungsod, nananatiling mahalaga na maihatid sa mga residente ang pagkilala at pasasalamat sa industriya ng pagpapalay at sa mga taong nasa likod nito.
Samantala, dumalo at nagbigay rin ng mensahe si Center Director Dr. Rolando Maningas, RAgr. Aniya, maraming paraan upang suportahan ang lokal na industriya ng pagpapalay at isa na rito ang pagiging RICEponsableng mamamayan na may pagpapahalaga sa dedikasyon ng magigiting na magsasaka.
Sabay-sabay namang binigkas ng mga kalahok ang Be RICEponsible Pledge bilang panata sa impormasyong kanilang nakuha mula sa kampanya.
Ulat ni: Archie C. Linsasagin
