PANIBAGONG bulto ng kargamentong Shabu na naman ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na tangkang ipuslit palabas sa Manila International Container Port (MICP) noong August 20, 2026. Good news ito. Ang pagkakasabat sa shabu shipment ay malaking indikasyon na napilayan ng mga awtoridad, partikular ng Bureau of Customs ang smuggling operation ng ilang drug syndicate sa itinuturing isa sa “billionaire ports” ng ahensya. Hindi lamang interes ng gobyerno ang panalo dito, maging ang buhay ng ating mga kababayang Filipino ay nabigyan ng proteksyon. Higit sa lahat, natapyasan ang pagbaha ng suplay ng shabu sa mga lugar na sinasabing talamak ang kalakalan o bentahan ng illegal drugs. Gayunman, ang shabu ay aabot sa P292.4 milyong halaga. Tumitimbang ng 43 kilos. Itinago sa mga pouch na ginawang pekeng “talc stones,” at nagmula sa Afghanistan. Nadiskubre ang mga ito nang suriin mabuti ang kinalalagyang dalawang 20-footer container vans, na kung matatandaan ninyo ay katulad ng naunang modus kung saan 40 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P272 milyon at idineklarang “marmol” ang naharang rin nito lamang nakalipas na Pebrero 10 ng taon. Ayon sa ulat, isinailalim ang drug shipments sa 100 percent physical examination pagkatapos na ma-profile ng BOC bilang high-risk cargo. Sa pagsusuri, nakita ang mga fabric pouch na pinahiran ng materyal na kahawig ng plaster of parish upang maging mukhang bahagi ng kargamento. Sa resulta naman ng laboratory tests, kumpirmadong ang shipments ay naglalaman ng mga methaphetamine hydrochloride o shabu. Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patunay ang matagumpay na operasyon sa bisa ng mahigpit na profiling, risk management at border control upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa. Ang operasyon kontra illegal drugs ay ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng tropa nina MICP District Collector, Atty. Geoffrey K. De Vera 1V, Deputy District Collector for Operation, Atty. Edward Rigunay Ibera at ilang miyembro ng PDEA. Kasama rin sa operasyon ang alertong tropa ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng MICP sa ilalim ng pamumuno ni Intelligence Officer Joel Pinawin, Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement and Security Services (ESS), at X-Ray Inspection Project (XIP). Nai-turned over na ang iligal na droga sa PDEA kasunod ang ginawang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa consignees dahil sa kanilang paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) and Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act). Kasabay nito ay pinag-aaralan na rin mabuti ng Bureau of Customs ang epektibong paggamit ng AI-enhanced scanners upang mas mapalakas ang pagtukoy sa mga kontrabandong itinatago sa imported shipments. Ito ay bahagi ng modernization push ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno upang palakasin ang risk profiling at cargo inspection ng ahensya lalo’t patuloy na nagiging sopistikado ang mga paraan ng smuggling. Nakakabilib ang kampo nina Colls. De Vera, Ibera at Pinawin sa kanilang patuloy na pagbibigay ng proteksyon kontra ilegal na droga sa hangganan o teritoryo ng naturang pantalan. Kapuri-puri! Pero sa totoo lang, malaking bentahe kay Comm. Nepomuceno ang pagkakaroon ng matalino at tapat sa tungkulin na mga kasangga gaya ng tinutukoy nating Customs officials para sa kanyang seryosong layuning tuluy-tuloy na maayos at mahusay na pamamahala sa pinamumunuan na ahensya. Mabuhay kayo! By: Rey Domingo
