Patok sa panlasang Pilipino, gawang lokal, at dagdag na pinagkakakitaan. Ngayong linggo, ito ang itinampok ng DA – Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON bilang pagdiriwang ng High-Value Crops (HVC) Week at pagbubukas ng Filipino Food Month (FFM) ngayong Abril, kung saan ibinida ang produksyon ng vanilla at ugnayan ng mga pamanang pagkain sa agrikultura.
Seminar sa Produksyon ng Vanilla
Bilang pagdiriwang sa HVC Week na may temang “Future-Proofing High-Value Crops Diversity: Gearing Towards Agro-industrialization and Bioeconomy,” isang seminar tungkol sa produksyon ng vanilla ang handog ng DA-ATI CALABARZON sa mga magsasaka at agri-enthusiast noong Abril 7.
Layunin nitong palakasin ang produksyon at ipakilala ang iba’t ibang potensyal na pagkakakitaan sa vanilla upang masuportahan ang agro-industriyal na pag-unlad sa rehiyon.
Nagbigay ng isang mensahe si Bb. Vira Elyssa Jamolin, CDMS Chief, bilang kinatawan ni Center Director Dr. Rolando Maningas.
Nagpaabot naman ng mensahe si Dr. Maningas bilang pasasalamat at pagbati sa lahat ng mga kalahok na naging bahagi ng aktibidad. Aniya, “Sa sama-samang pagkilos at patuloy na paglinang ng kakayahan, ang industriya ng vanilla ay susi tungo sa mas mataas na kita, inklusibong paglago, at sustenableng kaunlaran para sa ating mga komunidad ng magsasaka.”
Ugnayan ng mga Pamanang Pagkain sa Agrikultura at Identidad
Samantala, bilang bahagi naman ng pagdiriwang ng FFM 2026, matagumpay na isinagawa ng DA-ATI CALABARZON ang “Taste of CALABARZON: Food and Heritage,” na nagbigay-diin sa ugnayan ng pagkain, kultura, at agrikultura sa rehiyon, noong Abril 8.
Tampok sa aktibidad ang talakayan ukol sa mga pamanang pagkain sa CALABARZON, sa tulong ng tagapagtalakay na si Dr. Patrick Glenn Ilano ng Cavite State University. Inilatag niya ang mas malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng lokal na pagkain bilang bahagi ng ating identidad.
Sinundan ito ng brown bag session sa food photography na pinangunahan ni G. James Gabriel Bawisan ng DA-ATI CALABARZON, kung saan natutuhan ng mga kalahok kung paano mas maipakikita ang halaga at kuwento ng mga pagkain gamit ang simpleng teknolohiya.
Ibinida rin ang minandal food tasting, kung saan ipinamalas ng mga Rural Improvement Club (RIC) ang iba’t ibang lokal na meryenda ng CALABARZON. Nagsilbi namang bisita ang mga National Government Agency (NGA) sa Cavite upang tikman ang mga produktong inihanda ng mga RIC, na nagbigay-daan upang maipakita ang potensyal ng mga ito bilang mapagkakakitaang produkto at bahagi ng pagpapalakas ng lokal na kabuhayan.
Bilang kinatawan ni Dr. Maningas, ipinaabot ni Asst. Center Dir. Sherylou Alfaro ang suporta ng ahensya sa mga inisyatibang nagtatampok sa kahalagahan ng lokal na pagkain at kabuhayan. Kasunod nito, ipinahayag ni Bb. Abegail del Rosario, PAS Chief, ang suporta ng mga RIC sa patuloy na pagsusulong at pagpapahalaga sa lokal na pagkain bilang bahagi ng kultura at kabuhayan.
