MABUTI na lamang ay nasira kaya napilitan na dumaong ang isang Yate na nabistong may sakay pala na halagang P366.65 milyong pake-pakete at mahigit na 222.24 kilos ng high-grade Marijuana o “Kush,” na tuluyan nang sinamsam ng Bureau of Customs-Port of Subic (BOC-POC) sa Subic Bay Yacht Club (SBYC) noong magkasunod na araw ng September 3 at 5, 2026. Nakakatuwa na pumabor sa mga awtoridad, lalo na sa BOC-Port of Subic ang timing nang pagkasira ng yate na dahilan upang dumaong at magpagawa ito sa Subic Bay Yacth Club (SBYC). Dahil dito, natuklasan ang droga na lulan ng yate, naitimbre sa BOC-POS at pagkatapos ay mabilis na tinimbog. Kung nagkataon hindi nasiraan ang naturang sasakyan–sa malamang kesa hindi–nakapuslit ang sandamakmak na mataas na uri ng marijuana. Ang galing ng pagkakataon, ‘di ba? Nakabuti sa mga taga BOC-POS, pero masama ang dulot sa biyahero ng ilegal na droga na sakay ng nakadaong na yate sa SBYC. Bulilyaso kasi ang kanilang modus dahil nagkataon masama ang panahon. Congratulations sa tropa ng BOC-POS at sa iba pang ahensya na kasama sa operasyon kontra illegal drugs. Good job! More power at mabuhay kayo, mga Bossing! Good news ito. Napilayan na naman ng alertong mga awtoridad natin ang operasyon ng sindikato ng mga ilegal na droga. Malaking bagay ito dahil nakontrol ang pagbaha ng suplay at napigilan rin ang pagkalat sa merkado. Kung matatandaan ninyo, ikinasa ang operasyon noong Setyembre 2 at sinundan ng September 5, 2026 makaraang makatanggap ang BOC-Port of Subic ng derogatory information hinggil sa nasabing yate. Sinasabing dahil sa masamang kondisyon ng panahon na dulot ng Habagat ay napilitang sumilong at magparepair sa SBYC ang sasakyang dagat na galing sa Kota Kinabalu, Malaysia na patungong Taiwan. Ito ay manned ng mga crew na nagmula sa Thailand at Malaysia. Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na posibleng may dalang kontrabando ang yate, kaya agad nag-isyu ng Mission Order si BOC-Port of Subic District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay upang inspeksyunin ang sasakyan sa tulong ng pinagsanib na puwersa ng Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department (SBMA-LED), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Justice (DOJ), mga opisyal ng barangay, at pamunuan ng SBYC. Sa pagsisiyasat ng composite team–habang ginagawa ang pagbusisi sa mga kargamento– presto, tumambad sa kanilang harapan ang nakatagong umaabot sa 198 na paketeng high-end kush na may kabuuang timbang na 222.24 kilos. ”Ang matagumpay na operasyong ito ay malinaw na patunay ng commitment ng Bureau of Customs sa direktiba ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na protektahan ang ating mga hangganan sa lahat ng pagkakataon,” pahayag ni Coll. Lagmay. “Dahil sa mabilis na koordinasyon at pagiging alerto ng ating mga tauhan at partner agencies, naipagbawal natin ang pagpasok ng malaking dami ng mapanganib na droga sa ating mga komunidad,” pagmamagaling pa ng Kolektor ng POS. Idiniin din ng nasabing kolektor, ang operasyon ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang border protection at ang laban ng pamahalaan laban sa illegal drug trafficking. Kasabay nito aypinasalamatan ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang agarang aksyon ng Port of Subic at mga katuwang na agensya. “Patunay ito na sa mabilis at intelligence-driven na operasyon, napipigilan natin ang pagpasok ng mga ilegal at mapanganib na kontrabando sa bansa,” ani Nepomuceno. Nai-turned over na ang kumpiskadong mga marijuana sa PDEA para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kaso batay sa umiiral na batas. Binigyang-diin ng BOC na patuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa mga daungan upang protektahan ang bansa sa ilegal na kontrabando.
