Mahigit 600 magniniyog mula sa 13 munisipalidad at lungsod sa CALABARZON ang matagumpay na nagtapos sa Masaganang COCObuhayan: Radyo Eskwela sa Pagniniyugan, isang dalawang-buwang distance learning program na naghatid ng mahahalagang kaalaman at teknolohiya sa pagniniyog sa pamamagitan ng radyo at online platforms.
Kabilang sa mga 13 munisipalidad at lungsod na ito ang Amadeo, Cavite; Luisiana at Sta. Cruz, Laguna; San Luis, Lipa at Padre Garcia, Batangas; Rodriguez, Rizal; at Sampaloc, Sariaya, Lucena, Alabat, Buenavista at Guinayangan sa Quezon, na sama-samang nakibahagi sa programa upang higit na mapalawak ang kaalaman ng mga magniniyog sa makabagong teknolohiya at pamamahala ng kanilang mga niyugan.
Idinaos ang graduation ceremony noong Setyembre 3, 2026 sa Lucena City Convention Center bilang pagkilala sa pagsisikap at aktibong pakikilahok ng mga magniniyog na nakibahagi sa serye ng mga aralin tungkol sa coconut hybridization.
Ang coconut hybridization ay isang paraan kung saan pinagsasama ang magagandang katangian ng dalawang magkaibang barayti upang makalikha ng hybrid na punla na may potensiyal na maging mas mataas ang ani, mas matatag, at mas angkop sa produksyon. Tinatalakay rin dito ang produksyon at pamamahala ng de-kalidad na planting materials, wastong pangangalaga ng niyugan, at iba pang teknolohiyang makatutulong sa pagpapataas ng ani at kita.
Dumalo sa seremonya sina DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, kasama si Assistant Center Director Sherylou C. Alfaro, RAgr; PCA Region IV-A Regional Manager III, Bibiano C. Concibido Jr., RAgr; Atty. Rhaegee Tamaña, Chief of Staff ni dating Senador Cynthia Villar; at Lucena City Committee on Agriculture Chairperson, Patrick Norman Nadera, na kumatawan kay Lucena City Mayor Mark Don Victor Alcala.
Para kay Dr. Maningas, higit pa sa bilang ng mga nagtapos ang tunay na tagumpay ng programa. Aniya, mahalaga ang kaalamang nakuha ng mga magniniyog at ang kanilang kakayahang gamitin ito upang mapaunlad ang sariling niyugan at kabuhayan.
“Ang Masaganang COCObuhayan ay hindi lamang tungkol sa mataas na ani ng niyog. Higit, ito ay tungkol sa kasanayan ng mga magniniyog na makasabay sa pagbabago, sa angkop na teknolohiya, at sa kakayahang gawing mas produktibo at mas kumikita ang ating mga niyugan,” ani Dr. Maningas.
Ibinahagi rin ng isang magsasakang mag-aaral mula Buenavista, Quezon, na naging mas madali para sa mga magniniyog ang pagkatuto dahil nailapit sa kanilang mga bukid ang mga bagong kaalaman sa pamamagitan ng Radyo Eskwela.
“Naging mas madali nang matutunan ang makabagong teknolohiya dahil sa Radyo Eskwela. Napatunayan ng Radyo Eskwela na hindi hadlang ang oras at layo ng bukid upang matuto. Sa bawat pakikinig, natutunan naming alagaan at magparami ng mga hybrid na niyog—mga punong mas madaling magbunga, mas matatag sa bagyo at mas maraming kita,” ani niya.
Dagdag pa niya, ang pagtatapos ng mga magniniyog ay hindi lamang pagkilala sa kanilang nakumpletong pag-aaral, kundi simula ng pagsasabuhay ng mga natutuhan upang patuloy na mapayabong ang kanilang mga niyugan.
“Tagumpay po natin ito. Isabuhay natin ang ating mga natutunan at ating payabungin ang ating mga niyugan,” aniya.
Ang Masaganang COCObuhayan: Radyo Eskwela sa Pagniniyugan ay isinagawa ng DA-ATI CALABARZON sa pakikipagtulungan ng Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A at Department of Science and Technology–Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), katuwang ang mga provincial at municipal local government units.
Dinala ng programa ang mga aralin sa pagniniyog sa pamamagitan ng regular na radio broadcasts at online platforms mula Hunyo 2 hanggang Hulyo 16, 2026, na nagbigay-daan upang makapagpatuloy sa pagkatuto ang mga magsasaka kahit malayo ang kanilang mga bukid sa mga training venue at may mga gawaing kailangang asikasuhin sa kanilang kabuhayan.
Sa pagtatapos ng programa, kinilala hindi lamang ang mahigit 600 magniniyog na nakumpleto ang serye ng mga aralin, kundi maging ang sama-samang pagsisikap ng mga institusyon, lokal na pamahalaan, at mga magsasaka na gawing mas produktibo, matatag, at kapaki-pakinabang ang industriya ng niyog sa CALABARZON.
Ang pagtatapos ng mga magniniyog ay nagsisilbing patunay na ang kaalaman, kapag naihatid nang abot-kamay at naisabuhay sa bukid, ay maaaring maging pundasyon ng mas masaganang kabuhayan—isang tagumpay na sama-samang ipinundar ng Masaganang COCObuhayan.
Ulat ni: Eloisa A. Mariano-Diaz
