Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang pagpapaunlad at pagkumpleto ng Sangley Point International Airport (SPIA) sa Cavite.
Sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 44, iniutos ni Pangulong Marcos ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga pambansang ahensya ng pamahalaan, ang Provincial Government of Cavite (PGC), at ng mga pribadong sektor na katuwang sa proyekto upang matiyak ang napapanahong pagkumpleto nito.
“There is a need to enhance coordination of various government agencies, local government units (LGUs) in the province of Cavite, and private sector partners, and streamline regulatory and administrative processes, in order to ensure the timely completion of the SPIA,”ayon sa AO.
(Kailangang palakasin ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga local government unit (LGU) sa lalawigan ng Cavite, at mga katuwang mula sa pribadong sektor, at gawing mas mabilis at simple ang mga prosesong regulasyon at administratibo upang matiyak ang napapanahong pagkumpleto ng SPIA.)
Upang mapabilis ang pagkumpleto ng paliparan, itinatag ng kautusan ang Joint Technical Working Group (JTWG) na kapwa pamumunuan ng Department of Transportation (DOTr) at Philippine Reclamation Authority (PRA).
Kabilang sa mga miyembro nito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at PGC.
Tungkulin ng JTWG na tugunan ang mga isyung maaaring makapagpaantala sa proyekto at tiyaking sumusunod ang mga reclamation activity sa mga kinakailangang environmental at technical requirements.
Magsusumite rin ito ng quarterly progress report sa Pangulo sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary.
Sa ilalim ng AO, pangungunahan ng DOTr ang policy direction para sa paliparan at pangangasiwaan ang mga hakbang ng pamahalaan para sa pagpapaunlad nito. Tinitiyak din nito ang pagsasama ng SPIA sa Greater Capital Region Airport System at sa air transport network ng bansa.
Samantala, ang CAAP ang mangangasiwa sa mga technical at regulatory requirements ng pagpaplano, disenyo, pagpapaunlad, at paghahanda para sa operasyon ng paliparan, kabilang ang pagbibigay ng mga kinakailangang sertipikasyon at awtorisasyon.
Ang PRA naman ang mangangasiwa sa reclamation component ng proyekto, kabilang ang pagsusuri at pag-apruba ng mga reclamation plans at pagsunod sa mga technical requirements.
Inutusan din ang JTWG at mga kaukulang ahensya na gumawa ng kinakailangang hakbang upang matiyak ang pagkakaroon ng Sangley Point land para sa pagpapaunlad ng paliparan.
Iniutos din ni Pangulong Marcos ang mahigpit na pagsunod sa mga batas at mga requirement sa kapaligiran sa buong proseso ng pagpapatupad ng proyekto.
Magtatatag ang DENR at PRA ng monitoring mechanism upang maprotektahan ang marine at coastal ecosystem na maaaring maapektuhan ng mga reclamation at construction activities.
Magkakabisa ang AO matapos itong mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.| PND
